Hay, Buhay OFW Talaga!
Iyan ang pamagat ng isa muling pakalat sa e-mail ng mga OFW or Overseas Filipino Workers sa mga ma-disyertong bansa sa Gitnang Silangan or Middle East countries.
Narito ang karaniwang REKLAMO ng marami nating kababayang Pinoy na nagtatrabaho sa abroad at narito rin ang nakakaaliw na KOMENTO ng iba nating kababayang Pinoy na nasa abroad din.
REKLAMO: CREDIT CARD
Akala ng mga tao sa Pilipinas, pag nasa Middle East - akala nila madami ka ng pera na katas ng langis. Ang totoo, marami kang utang dahil credit card lahat ang gamit mo sa pagbili ng mga gamit mo. Kailangan mo gumamit ng credit card kasi naubos na ang cash mo, pinadala na sa Pinas. Kasi pag hindi ka nagpadala, iisipin nila nakalimutan mo na sila.
KOMENTO: MALUHO KA!
Bakit naman kailangan mo pang gumamit ng credit card eh maliit na nga ang suweldo mo? Ang sabihin mo masyado ka kasing maluho. Kaya kahit hindi mo kaya, bili ka ng bili, hindi mo na lang hintayin na magkapera ka saka mo bilhin yung gusto mo. Lalo ka lang mababaon sa utang pag meron kang credit card, maliban na lang kung meron kang disiplina sa paggamit nito.
REKLAMO: TIPID SA PAGKAIN
Akala nila mayaman ka at marami kang pera kasi buwan-buwan, libo-libong pesos padala mo, walang palya at kapag pumalya iisipin nila baka nagbisyo ka na o may sinusustentuhang iba. Hindi nila alam, food allowance na lang ang natitira sa iyo at pag kinulang pa, umuutang pa at lista muna sa malapit na tindahan ng dayuhan. Pag may okasyon sa Pinas - birthday, fiesta, anniversary, Pasko, Bagong Taon at iba pa, padala ka agad ng panghanda. Ang sarap ng kainan nila, di nila alam ikaw tiyaga sa budget meal, kapsa, noodles o de lata at itlog na nakakabutlig na ng balat, hay naku!
KOMENTO: IWAS SAKIT
Mahirap yang ginagawa mo, 'wag mong gutumin sarili mo at baka pag nakasakit ka, lalo kang magiging kawawa. Mawawalan ka na ng trabaho, pati pamilya mo eh damay!
REKLAMO: PASA LOAD
Akala ni Tatay, Nanay, ate, kuya, anak, mga pamangkin at iba pa namumulot ka ng pera sa abroad. Kada may problema text kaagad, kumusta sa una at sa bandang huli kelangan ng ng pera! Hay naku… nakaka-alergic na ang text sa roaming, puro gastos. Minsan padala ka pa ng load, pero load mo nga utang pa sa nagbebenta ng cell card! Hay naku, bakit ba nauso pa yan dagdag gastos lang talaga at pag di ka pa reply, aawayin ka pa!
KOMENTO: KUNSINTIDOR KA
Huwag mong kinukunsiti kasi yung pamilya mo, pati ba naman pang-load kailangan mo pa silang padalhan, sobra-sobra na yan! Pinapayaman mo lang lalo yung mga telecom companies sa atin na matagal na rin tayong ginugulangan.
REKLAMO: UTANG DUMARAMI
Akala nila masarap maging OFW at tinatawag na bagong bayani. Naku, mas masarap pa yung nasa Pinas-- sina kumpare at kumare na sa katas ni bagong bayani ay siyang umaani! Utang sa abroad ni OFW's, lalong dumarami.
KOMENTO: LIVE WITHIN MEANS
Live within your means ka lang kasi para hindi dumami nang dumami mga utang mo.
REKLAMO: ROUND-TRIP TICKETS
Akala nila masarap sa abroad, di nila alam di ka na nga makauwi kasi round-trip tikets na bigay ng kompanya mo para sa iyong bakasyon, kina-cash mo para ipadala lang at pambayad utang sa Pinas.
KOMENTO: HUWAG KANG MARTIR
Masyado kang martir. Magbakasyon ka naman. Huwag puro pera, hindi mo yan madadala sa hukay. Kawawa ka naman! Sila masaya pag-Pasko at pag-Bagong Taon. Habang ang OFW, homesick na homesick! Mabuti na lang meron ng TFC at GMA!
REKLAMO: HAIR PROBLEM
Akala nila sosyal ka na, kulay ng buhok mo nasa uso at naka-highlight pa. Di nila alam buhok mo ,namumuti na sa stress at problema at pag minalas pa nalalagas pa. Sabi nga ng iba eh shaggy-- sa gilid ng ulo na lang me buhok!
KOMENTO: BUMILI KA NG WIG
Kung pagkalagas ng buhok ang pinoproblema mo, wala na tayong magagawa diyan. Iyan ay isang patunay na tumatanda ka na talaga! Pero okey lang yan, pagdating mo ng Pinas bumili ka ng wig. Kita mo naman siguro si Mark Gil, meron nang buhok uli!
REKLAMO: MESTISONG HILAW
Akala nila masarap sa abroad kasi pag-uwi mo mestiso ka, maputi at mamula-mula ang balat mo. Di nila alam babad ka sa opisina at kulong sa bahay mo dahil no choice ka. Mga kapitbahay mo di mo kaano-ano, walang paki-alaman at kung lalabas ka, sunog ang balat mo, init ng araw sobra!
KOMENTO: WALA KA KASING GINAGAWA
Mabuti ka nga sa opisina ka lang naka-assign eh wala ka namang ginawa kundi mag-chat, internet, magbasa ng dyaryo at ang matindi pa, nanood ka pa ng pelikula sa computer mo sa opisina! Kaya iyang mga mata mo na dating 20-20 ang vision eh nasira na, ang kapal na ng salamin mo ngayon!
REKLAMO: HULUGAN LAHAT
Akala nila mayaman ka na kasi may kotse ka na. Di nila alam hulugan pa ito! Ang totoo, kapag hindi ka bumili ng kotse sa abroad maglalakad ka ng milya-milya sa ilalim ng init ng araw o kaya sa winter na kasama ang asawa mong naka abaya. O kaya naman tiyaga kang mag–abang ng public bus o coaster na ubod ng babaho ng mga pasahero at pagbaba mo amoy putok ka na rin, grabe! Walang jeepney, tricycle o padyak sa abroad. Madami mga Pakistani at Bangladesh na driver na ubod ng baho. Pag minalas ka Arabo na taxi driver na rapist pa!
KOMENTO: I-SIMPLE LIFESTYLE MO
Bakit ka naman maglalakad ng milya-milya, pwede ka namang mag-taxi o kaya naman pwede kang makisakay sa mga kabayang Pinoy na may kotse na handa namang magpasakay sa iyo. Bago kotse mo, hulugan pa eh di dagdag gastos na naman yan! Gawin mo kayang simple lang ang lifestyle mo!
REKLAMO: SIPSIP AT IMORAL
Akala nila masarap ang buhay dito sa abroad. Ang totoo, puro ka trabaho kasi pag di ka nagtrabaho, terminated ka gagawan ka ng kuwento ng kapwa mo Pilipino! Hindi ka na
pwedeng tumambay sa kapitbahay kasi baka ma-motawa ka pag kasama mo ang syota mo. Pero madami pa ding matatalinong matsing ang nakakalusot, nagpapagawa ng fake na papel para kunwari kasal, yun mga imoral!
KOMENTO: INGGIT KA LANG
Kanya-kanyang diskarte lang yan… inggit ka lang siguro! Wag mo na lang silang intindihin, yung nasa Itaas na lang ang bahala sa kanila, ang intindihin mo sarili mo!
REKLAMO: HINDI MANGITI
Akala nila masaya ka kasi pag nagpadala ka ng picture mo sa redsand, hidden valley, mall, zoo, corniche, souk, at iba pang attractions dito sa bansa ng mga Arabo. Ang totoo, kailangan mo ngumiti kasi minsan minsan ka lang makaka-picture, bawal kasi basta basta kumuha ng picture dito makukulong ka.
KOMENTO: WAG KANG SISIMANGOT
Natural ngingiti ka, alangan naman na sumimangot ka, ano na lang sasabihin ng mga taong papadalhan mo ng picture. Pangit ka na nga, kalbuhin ka pa, hindi ka pa mangiti!
REKLAMO: CAFETERIA FOOD
Akala nila malaki na ang kinikita mo kasi riyal na sweldo mo. Ang totoo, medyo malaki pag pinalit mo ng pesos, pero riyal din ang gastos mo sa abroad. Ibig sabihin ang riyal mong kinita, sa presyong riyal mo din gagastusin. Ang P15.00 na sardinas sa Pilipinas, 3 Riyals dito. Ang isang kaha ng sigarilyo sa Pilipinas P40.00, dito 5-6 riyals. Para makatipid, puro cafeteria food ang kakainin mo.
KOMENTO: PARA KANG HUMIGOP NG MANTIKA
Aba mamatay ka sa highblood o heap nyan kasi nga umaapaw na sa mantika at madumi pa dahil paulit-ulit na pinagprituhan! Kadiri, kaya lang pag naubusan ka ng pera, no choice you have to take the risk.
REKLAMO: RETOKE AT LUHO
Akala nila buhay milyonaryo ka na kasi ang ganda ng bahay at kotse mo. Nagpa-lypo kay Dr. Calayan at nagparetoke kay Vicky Belo. Ang totoo, nag loan ka lang sa malalaking bangko sa abroad, na huhulugan mo ng limang taon. Ibig sabihin, alipin ka ng bahay at kotse mo at ng luho mo at ng bansang pinuntahan mo! Kasi nga mag-loan ba naman dahil sa luho, bwahahaha!
KOMENTO: KAYLAN KA MATATAUHAN?
Yan ang sinasabi ko sa 'yo… eh kelan ka pa kaya matatauhan, pag lumpo ka na sa utang!!!
REKLAMO: KULANG SA EXERCISE
Madaming naghahangad na makarating sa abroad. Lalo na mga nurses, physical therapists, medsec, office secretaries, drivers, laborers at eto pa pati cleaners. Mahirap maging normal na manggagawa sa Pilipinas. Madalas pagod ka sa trabaho. Pag dating ng sweldo mo, kulang pa sa pagkain mo. Pero ganun din sa ibang bansa, may trabahong maganda pasuweldo, kaso wala kang outlet ng stress mo. Kasi madaming bawal! Hindi ibig sabihin riyal na ang sweldo mo, yayaman ka na. Kailangan mo ding magbanat ng buto para mabuhay ka sa ibang bansa.
KOMENTO: WAG KA PATALO SA STRESS
Kahit saang bansa ka man mapadpad, kailangan mong magbanat ng buto, magsipag at magtiyaga kung gusto mong dumanas ng kaginhawahan sa buhay. Maraming pwedeng gawin para ma-release mo yang stress… mag-sports ka, fishing, mahjong o tong-its, o sabong (kung wala ka na talagang kagustuhang makabangon sa utang), o mambabae ka kung kaya ng konsiyensiya mo. Puwede ring manlalake kung ito na ang trip mo ngayon. O sumali ka sa mga prayer groups… gusto mo bawat araw meron kang dinadaluhan para malibre na rin yung tsibug mo. Marami pa kabayan, huwag kang patalo sa stress… nakakamatay yan!
REKLAMO: SAKRIPISYO MAGING OFW
Isang malaking sakripisyo ang pag alis mo sa bansang sinilangan at malungkot iwanan ang mga mahal mo sa buhay. Hindi pinupulot ang pera dito o pinipitas o iniigib. Hindi ako naninira ng pangarap, gusto ko lang buksan ang bintana ng katotohanan sa mga taong gustong mag-abroad.
KOMENTO: WAG SAYANGIN ANG SAKRIPISYO
Kaya magbago ka na para hindi masayang ang sakripisyo mo. Huwag mong sirain ang loob ng mga taong gusto ring mag-abroad, kanya-kanyang diskarte at prinsipyo lang yan. Yung madidiskarte at maprinsipyo, yon ang nagtatagumpay!
REKLAMO: KAWAWANG BAYAN NI JUAN
Mahirap mangibang bayan… sino ba ang may kasalanan na iwan ang sariling bayan?
Manilbihan sa mga dayuhan at malayo sa pamilya ay may kahirapan? Hangga’t may mga Maria na Pinay DH's na nangingibang bayan na simbolo ng ating kahirapan, kawawang bayan ni Juan OFW patuloy na mapag-iiwanan. Kaya Juan, mag-iwan ka ng pera para sa iyo, para sa kinabukasan mo!
KOMENTO: KAWAWANG GOBYERNO
Hangga't maraming magnanakaw sa gobyerno natin, patuloy na mangingibang bayan si Juan at si Maria dahil yon lang ang nakikita nilang paraan para umahon sa kahirapan. Tama ang sinabi mo, magtabi ka ng perang para sa iyo para sa kinabukasan mo. Pero hindi bale kabayan hindi naman tayo pababayaan ng nasa Itaas… mahal Niya tayo!
REKLAMO: HUWAG MAHIYA
Please share....
KOMENTO: NO OBJECTION
... second the motion!
blog#2
The Filipinos are generally cheerful people. We always have funny ideas and stories about life, love, work and leisure. Life is lifeless, love is loveless, work is dull, leisure is non-relaxing and getting together with people becomes boring if there is no funny story-telling and jokes. Everything under the sun when treated with Pinoy humor can bring smile and laughter! For Jobs Abroad, http://pinoyrecruiter.blogspot.com and for Inspiring Filipino stories, http://pinoytenant.blogspot.com
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment